Monday, June 2, 2008

Aplikante

Mahangin sa labas. Malamig sa loob ng opisina. Pero pinagpapawisan pa rin si Dave.

Ganito pala kapag haharap sa interview, bulong niya sa sarili. Pakiramdam ko, babarilin ako sa Luneta. Sana matangap ako . . .

Habang naghihintay, isa-isang sinuri ni Dave ang mga empleyado at kliyente ng kompanyang nais niyang pasukan. Lalo siyang nanliit.

Lahat sila, bihis na bihis. Sabi na nga ba, hindi akma ang suot kong maong at polo. Pero ito na ang pinakamaayos kong damit. At isa pa, dyanitor lang naman ang papasukan kong trabaho . . .

Natigil ang pagmumuni-muni ni Dave nang may maupo sa tabi niya. Isang lalaking mga sisenta anyos. Payat at katamtaman ang taas. Kulay abo ang manipis nang buhok. Plantsadong-plantsado ang damit, ngunit halatang naluma na sa kalalaba.

Naku, sana hindi ito isa pang aplikante. Kailangan ko ng pagkakaitaan, pero mukhang mas nagangailangan ang taong ito . . . Muling sinulyapan ni Dave ang katabi. Napahiya siya nang mahuli siya nitong nakatingin. Pero nginitian siya ng lalaki. "Aplikante ka ba?" tanong nito. Napatingin si Dave sa dyaryong hawak ng matanda. Nakabukas ito sa pahina ng Classified Ads. Iyon din ang dyaryong binasa niya kaninang umaga, kung saan nakalathala ang pangangailangan ng kumpanya para sa isang dyanitor.

"Oho," sagot niya.

"Mukhang napakabata mo pa . . . hindi ka ba nag-aaral?"

"Dise-otso na ho ako. Panggabi ho ang klase ko sa kolehiyo."

"Ano naman ang kurso mo?"

"Political Science ho."

"Ah." Tumango ang matanda." Siguro, magtutuloy ka ng abogasya"

Napangiti si Dave; bakas ang pananbik sa mukha.
"Sana nga ho . . . kung kakayanin kong suportahan ang sarili ko. Hindi ho kasi kaya ng aking mga magulang."

"Makakaya mo, kung mayroon kang tiyaga at determinasyon," sagot ng matanda."

Aba, katulad mo rin ako noong araw! Ang pagkakaiba lang, ako'y ulilang lubos. Naku, kung malalaman mo ang mga trabahong pinasok ko, makapag-aral lang . . . "
At nagkuwento na ito Aliw na aliw si Dave sa mga karanasan ng kausap. Sa pakikinig sa mga pinagdaanan ng matanda, lalong lumakas ang kanyang loob na magsikap makatapos sa pag-aaral. Nahinto lamang ang kanilang paghuhuntahan nang tawagin si Dave.

Bumalik ang kaba sa dibdib ni Dave. Heto na ang interview na kintatakutan niya! Matapos magpaalam sa matanda, pumasok na siya sa opisina ng manedyer.

"Magandang hapon po."

"Magandang hapon din sa iyo," nakangiting tugon ng manedyer. Bata pa ito, mga beinte-singko anyos. Makisig, maganda ang tindig. Naka-amerikana.

"Maupo ka. ano ang pangalan mo?"

"David de la Peña po. Taga-Marikina po ako. Heto po ang ¾"

Kumiriring ang telepono. Sinagot ito ng manedyer.

"Hello . . . Ah, yes. I . . . I see. Well, if that's the case . . . Alright."

Ibinaba ng manedyer ang telepono. Nangingiting bumaling kay dave.

"Tanggap ka na, Mr. De la Peña."

"P-po?" Hindi makapaniwala si dave. "Hindi nyo na po ako iinterbyuhin?"

"Hindi na kailangan. Pasado ka na sa interview." Natawa ang manedyer sa di-maitagong kalituhan ni Dave.

"Inirekomenda ka nung kausap mo kanina sa lobby," paliwanag nito.

"Siya ang aking ama. Siya rin ang presidente at may-ari ng kompanya."

Paano nga ba ang maghintay?

Paano nga ba ang maghintay? Halos mawalan na ng pag-asa na maituwid pa ang buhay. Nakakulong sa apat na sulok na silid….nagmumokmok..nag-iisip… at kadalasan ay di maiwasan ang mapaluha na lamang.

Mula noon ay wala nang pinangarap kundi simpleng pamumuhay. Madalas ay nais umiwas sa isang nakaraan na patuloy na gumugulo sa puso. Naging napakalungkot ang mga nakaraang taon. Patuloy ang pagdaan ng mga araw… parang hindi na magkakaroon ng pagkakataon na muling bumangon at magbagong buhay. Pinilit kalimutin, nagpakasiya sa kinagisnan ng pag-iisa…sinubukang humalakhak sa walang kasamang pag-asa kinabukasan..hanggang sa umabot na sa kasukdulan.

Pagluha'y pilit pinipigilan..ngunit kahit anong lakas, parang kandila na nauupos sa pagsapit ng gabi. Hindi kayang magkunwari..magkubli sa dilim.

Patuloy pa rin ang pangungulila, kadalasa'y nanaginip ng gising. Binabalikan ang nakaraan. Hanggang kailan mababago ang takbo ng buhay? Patuloy ang pagdanas ng kawalan ng pag-asa. Naghihintay sa paglubog ng araw para sa bukas na may inaasahang saya.

Siguro nga'y nakalimot ka na….nang minsang banggitin na kailan man ay di magsasawang magmahal. Saksi man ang kalangitan sa iyong pagsuyo, tuluyan na yatang isinang tabi ang pag-ibig na minsa'y inialay.

Malaki na sya siguro…di na mahirap ihele sa gabi. Nakatutuwa pa nga kung siya'y nag-aaral na..Wala namang nakakagulat doon.. 5 taon na din ang nagdaan.

Sa kanyang paglaki, maisip mo sana ang iyong naiwan. Maging isang mabuting haligi ng tahanan…patuloy na magsikap sa hanapbuhay madaos mo lamang ang mga pangangailangan nila.

Kung sa iyo nga'y naging madali ang lahat..ako'y nananaginip pa rin na may prinsipeng mag-aahon sa pinagiwanan mo sa akin..muling magpapalakas na aking respeto at dignidad sa sarili. Isang tao na bubuhay at magmamahal ng tapat sa isang tulad kong pinagsawaan at ginamit mo lamang.

Sunday, June 1, 2008

My Cyber Suitor

Ibig hilahin ni Lovelyn ang oras. Masayang nag-i-explain si Mrs. Andrada, ang propesora nila sa Cobol programming sa harapan. Tungkol sa Y2K ang topic nito. Ewan niya, wala sa isip niya ang mga paliwanag ni Mrs. Andrada - nasa Internet.

Official opening of classes ngayon. Ayaw pa nga sanang pumasok ni Lovelyn. Pagod pa siya sa two months niyang happenings sa kanilang probinsiya at sa seven hours trip pabalik kahapon. Six thirty na tuloy siya nagising. Five noon, nakapaligo na siya, seven man o nine ang pasok. Kaso, bigla siyang sinalakay ng excitement. First day ng klase at syempre, maraming bago. Rooms, teachers, subjects classmates.

"You," baling sa kanya ng payating propesora na nahalata yatang iba ang nasa isip niya. "You are?"

"Lovelyn Joy Abad, po, ma'm," si Schnelle ang sumagot. Katabi niya. At isa sa mga close friend niya.

"Well, miss Abad, as a computer student, give an idea how we can solve this Y2K problem in our country."

Kinabahan si Lovelyn. Hindi niya inaasahang tatanungin bigla siya ni Mrs. Andrada. Pero saglit lang iyun. Likas kasi siyang attentive sa klase. Dahan-dahan siyang tumayo. Binabalikang-isip niya ang mga sinabi kanina ng kanilang propesora, kaso, wala siyang ma-recall. "E, ma'm I begged your pardon, ma'm" Parang tuyung-tuyo ang lalamunan niya.

Inulit ni Mrs. Andrada ang question. May diin pa.

Saglit na nag-isip si Lovelyn. Gusto niyang magsalita pero nawala ang sasabihin nang makasalubong ang malalaking mata ni Mrs. Andrada na parang naiinip na sa kanyang isasagot.

"Ma'm," sabi ng guwapong binata sa unahan. Nawala ang mga mata ng classmates niya sa kanya, lumipat sa nag-attempt ng recite. "Can I take the place of Miss Abad?"

"Yes, and you are?" nakangiting tugon ng propesora kay Brian.

"Brian Rey Valencia, po ma'm," magalang na sagot nito.

"Sit down, Miss Abad," sabi nang balingan siya, "and listen carefully to Mr. Valencia."

"Lovelyn, ayan, naisahan ka na naman ni Brian," sisi ni Schnelle sa kanya.Nakaismid siyang tumango habang nasa paupo nang binata ang nagungusap niyang mata. Pero sa ganda pa rin nitong magdala ng university uniform ang naka-impress sa kanya. Dati na nilang kaklase si Brian. At minsan na rin itong itinukso sa kanya.

Okey ang chemistry nila, sabi ni Schnelle. Siyang magaling sa theory na sa actual na eh, bokya. Kabaligtaran kay Brian. Kaso, big enemy ang turing niya kay Brian. At biglang umulap ang maganda niyang mukha.

"Nakatsamba lang" ganting siko niya kay Schnelle.

"Nakatsamba?" umangat ang kaliwang manipis na kilay ni Schnelle, "di po yata, ma-brain sadya si Brian no?"

"Oo na," may inis nang sabi ni Lovelyn. If I know, crush mo kasi yong tao, dugtong niya sa isip.

NAKANGITI na ngayun si Lovelyn. Thirty five minutes passed eleven pero wala pa siyang balak na iwan ang internet rooms para sa mga estudyante at faculty na mahilig sa Internet. Hindi siya magkandatuto sa lima niyang e-mail. Enjoy siya sa pagbabasa ng mga messages ng mga cyber friends niya. Labis pa nga siyang nakyutan sa isang electronic e-mail card na galing kay Nick. Paulit-ulit pa nga niyang binabasa ang gumagalaw nitong messages.

Boyfriend niya sa e-mail si Nick. Noong first semester niya ito sinagot. Nakilala niya si Nick sa MiRC, isang uri ng chat na kinagigiliwan ngayon ng mga kabataan. Masarap makipag-chat sa MiRC pero hindi nahirati si Lovelyn. Pasubok-subok lang siya. At dito nga, dalawang beses niyang naka-chat si Nick. Kinulit siya. Ibingay naman niya ang isa sa mga e-mail niya. Pero peke naman. Hindi totoong pangalan ang e-mail. Sa mga friend at relatives lang naman niya sa abroad o dito ibinibigay ang totoo niyang e-mail.

Ewan rin niya kung totoo ring pangalan ang gamit ni Nick. Baka rin hindi. Nasa Maynila raw siya. Second year computer science din sa AMA Makati. Pero dama niya ang sinsiridad nito sa halos lingo-linggung mga messages ni Nick. At sa tatlo pa niyang Internet suitor at dalawa na suitor dito, si Nick ang sinagot niya.

Mahilig siya sa computer. At hilig niyang mag-Internet. Pero walang kinalaman dito kung bakit niya sinagot ang cyber suitor. Kahit siguro sa koreo sila nagkakilala, ito pa rin ang pinili niya. At di niya madaya ang sarili, may pitak talaga si Nick sa puso niya.

IPINAKITA uli niya ang totoong siya. Dahil dito, buong lambing na ang nakangiting si Miss Andrada kung tawagin siya.

Naungusan na naman niya si Brian. Pero ngayong hands-on nila sa laboratory room, hirap siya sa sample program. Samantalang hayun at iba na ang ginagawa ni Brian sa computer nito. Kanina pa kasi siya tapos. Magaling talaga sa proramming ang loko, sa isip ni Lovelyn. At ewan niya, lalo pa siyang nainis nang makitang kinukulit ito ng mga kaklase at isa na si Schnelle. Nagpapatulong ang mga ito gayong malingat o lumalabas ang kanilang instructor. Walang hindi kay Brian. Tumutulong ito. Bagay namang lihim niyang hinahangaan sa binata.

Kasi, minsan na rin niyang nahingian ng tulong noon. Pero nagpupuyos ang loob niya tuwing maalala ang ginawang pagtulong sa kanya ni Brian. At hindi tulong iyun. Set-up iyon sa kanya. Isang nakakahiyang set-up ni Brian sa kanya. At hinding-hindi niya nakakalimutan iyun hanggang hindi siya nakakapaghiganti.

At hanggang ngayon, naroon pa rin ang pag-asam niyang makaganti kay Brian.

Pero sa anong paraan siya gaganti kay Brian?

"Hi, Lovelyn" si Brian, nasa tabi na pala niya ang kanyang mortal enemy. Nadale ng virus ang katabing computer niya kaya walang gumagamit. Tumikhim si Brian nang di man lang niya ito lingunin. "Tapos ka na ba?"

Hindi siya lumingon. Ni kumibo kaya. Basta sige lang siya sa pagta-try ng mga programming code.

"Sorry nga pala ulit," pagpapatuloy ni Brian. Nilalaro nito ang keyboard ng sirang computer. "Alam mo, hindi ko talaga sinadya iyon. Kaya sorry na talaga."

Hindi pa rin siya kumikibo. At nag-comfile siya. Error 85. Agad niyang diniinan ang ctrl at alt sa keyboard. Ayaw niyang makita ni Brian ang number ng error niya. Pero imposibleng hindi iyon makita ni Brian. Di man niya ito nililingon ay alam niyang sa kanyang monitor nakatingin si Brian. Para na niyang nakikita ang nanunuya nitong ngisi.

Pero akala lang niya iyon. Alam ng maputing binata na mahina siya sa actual programming pero ni sa isip ay hindi siya pinulaan. Gusto pa nga siyang tulungan dangan lang at nahahalata rin nito ang ginawa niyang pag-iwas.

"Alam mo, Lovelyn," si Brian muli sa kanyang tabi. "Peace na tayo. Kalimutan na natin iyon. Pwede ba?"

Bigla siyang tumayo. Padabog na pinatay ang computer. Hindi na siya nag-shotdown. At padabog ding lumipat ng upuan sa classmates nilang nag-absent.

At muling naulit iyon nang uwian sa hapon. Gusto daw kasi siyang ihatid ni Brian sa kanyang boarding house. Wala pa rin siyang imik. At padabog siyang sumakay sa pinarang trysicle. Naiwang nagkakamot ng batok ang napahiya na namang si Brian.

Gabi, laman ng isip niya si Brian. Ang mga gawi nito sa kanya. Anong gusto nitong palabasin at kinakaibigan na siya ngayon? Liligawan siya? Kumulimlim ang mukhang pinilas kay Vanessa del Vianco. Inayos ang mga notebook at ilang computer book. Ayaw niyang makipagkaibigan kay Brian. Enemy niya ito. Big enemy.

At kailangang makaganti siya dito.

Nag-surf ulit siya sa Internet. Pagkatapos niyang mag-check ng email at masagot ang sweet messages ni Nick, nag-search siya sa Yahoo, isang updated na search engine sa Internet. Gawi na niya iyon. Dito, lumalawak lalo ang kaalaman niya sa daigdig ng Internet. At di sinasadya, napagawi siya sa website ng mga hackers, at computer viruses. Ang huli ang napagtuunan niya ng pansin. Naalala kasi niya si Brian. Si Brian na nandoon din. Nasa ikalimang upuan sa kanan niya. Mahilig rin ito sa Internet. Paminsa-minsan pa nga niya itong nakakasabay. Pero ni minsan ay di pa niya pinakialaman ang sini-search nito sa Internet.

Isinulat niya ang location ng computer viruses website. May mga sample program kasi dito, at kung ira-run sa computer ay maging simpleng virus na na maari nang sumira ng files sa computer. Gusto niyang kumopya pero nakalimutan niyang nagdala ng diskette.

Gusto nang umuwi ni Lovelyn. Sinulyapan ang relo, quarter to five. Maaga pa, sa isip niya. Nagbago ang isip. Naalala ang MiRC. Matagal na rin siyang hindi nakipag-chat.

Inisip niya kung anong channel niya nakilala si Nick. Naki-join siya. At nandoon nga si Nick.

Binati agad siya ng cyber boyfriend. Kasabay ng biglang pag-pop-up ng Nick sa kanyang screen na agad naman niyang pinaunlakan. Hindi na pinansin ang ibang ibig makipag-one on one chat sa kanya.

Balitaan ng happenings sa loob at labas ng campus. Palitan ng mga sweet nothings. At namalayan na lang niyang nagkukuwento na pala siya ng mga personal problems niya. Mahal na nga ni Lovelyn si Nick. Gustung-gusto na nga niya itong makita. Ang makausap ng personal. Kaya pati ang kinaiinisan niyang si Brian, ang ginawa nito sa kanya at ang binabalak niyang pagganti ay naikuwento niya bagay na di niya sinasabi noon.

Matagal na hindi nakasagot ni Nick. Sinalakay ng guilt si Lovelyn. Baka kasi ma-turn off si Nick sa kanya. Delikado ang naisip niyang paraan ng pagganti kay Brian. Maaaring makick-out ito sa campus.

May response na si Nick: Nagpagawa ka ng project mo noong finals ninyo sa classmates mong ito pero inilagay naman ang pangalan sa program codes bilang siya ang gumawa at di mo na rin alam ito dahil sa laki ng tiwala mo sa kanya?

Mabilis na tumipa ang mapupula niyang daliri sa keyboard: Oo, kinausap ako ng propesor namin. Hiniya niya ako. Pinakamababa ang marka ko sa subject na iyon. Nagso-sorry din naman siya hanggang ngayon. Di raw sinadya. E, ba't ang iba kong classmates na nagpagawa rin sa kanya, wala naman siyang pangalan?

Si Nick: Siguro, gusto niyang maging espesyal ang para sa iyo. At mismong sa kanyang project na kinopya ang project mo. At siguro, hindi na rin naalala na may pangalan pala siya dito. Alam mo, nai-insecure ka lang sa kanya, dahil siya lagi ang napapansin pagdating sa laboratory ninyo.

May nasaling sa kaibuturan ni Lovelyn. Totoo ang sabi ni Nick. Gusto niya, siya lang lagi ang napapansin. Siya lang ang sikat. Pero paano nalaman ito ni Nick?

Alam mo, pagpapatuloy ni Nick, hindi naman yata maganda yong ganon. Isipin mo rin ang iba dahil may alam din silang di mo alam. At higit sa lahat, dapat marunong kang tumaggap ng pagkatalo, Miss Abad.

Miss Abad?

Kinabahan si Lovelyn. At bago siya nakahuma, nasa tabi na niya si Brian. Silang dalawa na lang pala ang naiwan sa Internet room. At kanina pa sila hinihintay ni Miss Santos, ang Internet Staff na naiiling na.

"Kailan ko lang nalaman na ikaw pala si May. Nadaan kitang binabasa mo ang messages ko sa E-mail mo." Sabi nito habang inaayos ang mga notebook at books niya.

Hindi pa rin makapaniwala si Lovelyn.

"At iyong binabalak mong gawing virus na ikakalat mo sa laboratory natin," nakangiting nakatayo na sa harapan niya si Brian at hawak na ang mga things niya. "di ako makakapayag na pangalan ko lang ang ilalagay mo, pangalan nating dalawa dapat."

"Basta," umirap si Lovelyn. "galit pa rin ako sa iyo."

Pero di naman siya tumutol nang hawakan ni Brian ang kamay niya upang alalayan siyang tumayo.