Monday, June 2, 2008

Aplikante

Mahangin sa labas. Malamig sa loob ng opisina. Pero pinagpapawisan pa rin si Dave.

Ganito pala kapag haharap sa interview, bulong niya sa sarili. Pakiramdam ko, babarilin ako sa Luneta. Sana matangap ako . . .

Habang naghihintay, isa-isang sinuri ni Dave ang mga empleyado at kliyente ng kompanyang nais niyang pasukan. Lalo siyang nanliit.

Lahat sila, bihis na bihis. Sabi na nga ba, hindi akma ang suot kong maong at polo. Pero ito na ang pinakamaayos kong damit. At isa pa, dyanitor lang naman ang papasukan kong trabaho . . .

Natigil ang pagmumuni-muni ni Dave nang may maupo sa tabi niya. Isang lalaking mga sisenta anyos. Payat at katamtaman ang taas. Kulay abo ang manipis nang buhok. Plantsadong-plantsado ang damit, ngunit halatang naluma na sa kalalaba.

Naku, sana hindi ito isa pang aplikante. Kailangan ko ng pagkakaitaan, pero mukhang mas nagangailangan ang taong ito . . . Muling sinulyapan ni Dave ang katabi. Napahiya siya nang mahuli siya nitong nakatingin. Pero nginitian siya ng lalaki. "Aplikante ka ba?" tanong nito. Napatingin si Dave sa dyaryong hawak ng matanda. Nakabukas ito sa pahina ng Classified Ads. Iyon din ang dyaryong binasa niya kaninang umaga, kung saan nakalathala ang pangangailangan ng kumpanya para sa isang dyanitor.

"Oho," sagot niya.

"Mukhang napakabata mo pa . . . hindi ka ba nag-aaral?"

"Dise-otso na ho ako. Panggabi ho ang klase ko sa kolehiyo."

"Ano naman ang kurso mo?"

"Political Science ho."

"Ah." Tumango ang matanda." Siguro, magtutuloy ka ng abogasya"

Napangiti si Dave; bakas ang pananbik sa mukha.
"Sana nga ho . . . kung kakayanin kong suportahan ang sarili ko. Hindi ho kasi kaya ng aking mga magulang."

"Makakaya mo, kung mayroon kang tiyaga at determinasyon," sagot ng matanda."

Aba, katulad mo rin ako noong araw! Ang pagkakaiba lang, ako'y ulilang lubos. Naku, kung malalaman mo ang mga trabahong pinasok ko, makapag-aral lang . . . "
At nagkuwento na ito Aliw na aliw si Dave sa mga karanasan ng kausap. Sa pakikinig sa mga pinagdaanan ng matanda, lalong lumakas ang kanyang loob na magsikap makatapos sa pag-aaral. Nahinto lamang ang kanilang paghuhuntahan nang tawagin si Dave.

Bumalik ang kaba sa dibdib ni Dave. Heto na ang interview na kintatakutan niya! Matapos magpaalam sa matanda, pumasok na siya sa opisina ng manedyer.

"Magandang hapon po."

"Magandang hapon din sa iyo," nakangiting tugon ng manedyer. Bata pa ito, mga beinte-singko anyos. Makisig, maganda ang tindig. Naka-amerikana.

"Maupo ka. ano ang pangalan mo?"

"David de la Peña po. Taga-Marikina po ako. Heto po ang ¾"

Kumiriring ang telepono. Sinagot ito ng manedyer.

"Hello . . . Ah, yes. I . . . I see. Well, if that's the case . . . Alright."

Ibinaba ng manedyer ang telepono. Nangingiting bumaling kay dave.

"Tanggap ka na, Mr. De la Peña."

"P-po?" Hindi makapaniwala si dave. "Hindi nyo na po ako iinterbyuhin?"

"Hindi na kailangan. Pasado ka na sa interview." Natawa ang manedyer sa di-maitagong kalituhan ni Dave.

"Inirekomenda ka nung kausap mo kanina sa lobby," paliwanag nito.

"Siya ang aking ama. Siya rin ang presidente at may-ari ng kompanya."